Ibinasura ni opposition Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson ang senaryong ‘pera-pera’ ang labanan sa 2010 presidential election, kasabay ang alegasyong makakatipid ng P3 bilyon hanggang P10 bilyon ang isang kandidato kung patas ang laban nito.
Ayon kay Lacson, hindi lahat nabibili ng pera kapag eleksyon at kahit gumastos ng P10 bilyon ang isang presidentiable sa pandaraya, wala aniyang katiyakang manalo kundi naman gusto ng taumbayan ito.
Sa harap ng computation ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na kailangang P3 bilyon ang ‘baon’ ng isang presidentiable bago tumakbo sa 2010 election, ito’y sinopla ni Lacson matapos ikumpara ang sarili noong 2004 national election.
“Di ako naniniwala. Kung gusto mo gumastos maski P10 bilyon. Pero shoestring ang kaya mo gastusin pwede naman. Kung maluho lahat gagawin mo para manalo pati pandaraya maski P10 bilyon kulangin. Pero marangal at patas, siguro ‘di naman aabot ganoon, napakalayo. Tumakbo ako malayung-malayo sa ganyang figures ang nagastos,” ani Lacson.
Aniya, pinapasama lamang ng ‘pera factor’ ang eleksyon, sa pamamagitan ng pag-alok ng kung anu-anong benepisyo kapag nanalo, katulad ng pork barrel na nagsisilbing ugat ng katiwalian.
“Iyan ang masama sa pulitika. Palaging pera. Kung walang pork tingin sa iyo ng LGU parang ‘di ka marunong makisama. Alam ko ang pork mabuti kung 100% ang napunta sa proyekto. ‘Di ganoon nangyari kaya pinatigasan ko ang ‘di pagkuha ng pork dahil talamak ang corruption,” ani Lacson.
|