Hindi lamang pagpapartehan sa P150 milyong extra duty allowances ng mga top executives ng Department of Education (DepEd) ang pinag-iinitan ni administration Sen. Miriam Defensor-Santiago matapos paimbestigahan sa Senado pati ang ipot o dumi ng mga manok.
Kalakip ang reklamong ‘adulterated’ ang dumi ng manok at posibleng makaapekto sa presyo ng gulay na nagmumula sa lalawigan ng Benguet, isang resolusyon ang inihain ni Santiago para paimbestigahan ito.
Sa pamamagitan ng Senate Resolution 607, nais ni Santiago na aksyunan ng Senate committee on agriculture ang usapin sa ‘adulterated’ na dumi ng manok.
Ayon kay Santiago, katungkulan at responsibilidad ng gobyerno na protektahan ang mga consumers sa nangyayaring trade malpractice at substandard o dangerous products kaya’t makatwiran lamang aniyang panghimasukan ang problema sa dumi ng manok.
Kinasangkapan ni Santiago sa paghahain ng resolusyon ang isang news report noong Agosto 22, 2008 kung saan nagrereklamo ang mga magsasaka o nagtatanim ng gulay sa Benguet Provincial Office matapos madiskubreng hinahaluan ng buhangin, lupa, ipa at balat ng palay ang binibiling ipot ng manok bilang pataba o fertilizer.
Sa naging expose ni Apolinario Camsol, isang board member ng Benguet, nagkalat ang mga tiwaling traders sa lalawigan, partikular ang mga nagbebenta ng mga pataba at isa sa sinasamantala ang ipot ng manok dahil mataas ang presyo ng fertilizer sa merkado.
“Apolinario Camsol, a board member, allegedly said that unscrupulous traders have taken advantage of farmers who have become dependent on chicken manure after the prices of commercial fertilizers have increased. The adulterated chicken dung allegedly contained sand, soil and rice hulls,” anang lady solon.
|