Dear Kuya Rom,
Ang aming pag-ibig ay tulad ng isang nobela o pelikula, parang fairytale na maganda ang simula. Ang pamilya niya ay mayaman samantalang ang pamilya ko ay mahirap lamang.
Nagkakilala kami sa isang party. Nagkakuwentuhan, nalaman kong mahilig siya ng ballroom dancing. Inihatid niya ako sa boarding house ko pagkatapos. Mula noon ay naging magkaibigan kami. Sumasama ako sa kanyang ballroom dancing session. Tinuruan niya akong sumayaw at kami’y naging madalas na magka-partner.
Niligawan niya ako at sinabi ko sa kanya na madali siyang mahalin, pero sa tingin ko ako ay alangan sa kanya. Nagpatuloy siya sa panliligaw sa akin sa loob ng tatlong taon at sinagot ko siya. Ang kasal namin ay maituturing na grande.
Ngayon ay sampung taon na kaming nagsasama bilang mag-asawa. Ngunit hindi ako masaya. Lagi siyang wala. May negosyong inaasikaso. Damdam ko’y para akong isang palipasan lamang niya ng oras kapag napapagod siya. Hindi ko na madama ang pag-ibig. Ako’y nalulungkot. Bakit ganito, Kuya Rom. May problema ba ako? -- Susan
Dear Susan,
May mga pag-aaral na ginawa tungkol sa epekto ng mga kuwento ng pag-ibig mula noong una hanggang sa kasalukuyang panahon. Ang mga kuwentong ito ay hindi totoong nangyari, fairy tale, wika nga.
Ang nakalap na mga katotohanan mula sa pag-aaral na ito ay nagsasabing ang mga kuwento ng pag-ibig na ito ay dinadaya ang maraming tao sapagkat hindi sila batay sa totoong buhay. Ang palagay ng mga nagsagawa ng pag-aaral na ito ay maraming tao ngayon ang hindi masaya sa kanilang buhay may-asawa dahil ang pinaniwalaan nilang uri ng pag-ibig ay hindi totoo kundi kathang-isip lamang.
Marahil ay may magandang punto ang pag-aaral na ito at malaki ang maitutulong nito sa mga mag-asawa. Ito ay nagbubukas-isip at nagbibigay ng mahalagang mensahe sa atin.
Ang sabi ng isang manunulat tungkol sa paksang ito ay: “There is something that opens our eyes between the periods of “once upon a time” and “happily ever after.” Ito ay isang babala: Ingatan ang pag-ibig ‘pagkat ang mga maaaring mangyari sa pagitan ng araw ng pag-iisang dibdib at sa araw ng pagbubukas-isip ay iba sa inaasahan.
Pagkatapos ng palitan ng mga matatamis na salita sa araw ng kasal at mga maiinit na halik at yakap sa panahon ng pulot-gata ng bagong kasal, ang mga susunod na araw sa kanilang buhay ay mga karaniwang araw na lamang. Magtrabaho, umuwi ng bahay, kumain, matulog, magluto, mamalengke, magbayad ng upa, harapin ang singil sa ilaw o tubig, magbuntis, magkaanak, magpalaki ng anak -- mga karaniwang ginagawa na madalas ay walang nang tuwa. At pagdating ng kabigatan ay nawawalan ng kagalakan. Ang dating tuwa ay napalitan ng luha.
Ang lahat ng ito ay nadarama ng mag-asawa dahil sa maling palagay at inaasahan tungkol sa buhay may-asawa. Ang wka ng Biblia, ang Salita ng Diyos: “Mahalin ninyo ang inyong asawa.” Ayon sa Kanya, ang tunay na pag-ibig ay handang ialay ang buhay sa isang kaibigan.
Ang iyong asawa ay siyang pinakamalapit na kaibigan. Ialay mo ang iyong buhay para sa kanya. May mga kuwento ng pag-ibig na maganda dahil hindi sumuko ang dalawang nagmamahalan at sila ay nakaranas ng ligaya sa wakas. Ang wika ng isang mangangaral: “Ginagawa nating libangan lamang ang mga kuwento ng pag-ibig. Kung sana’y ating isasabuhay ang mga ito, lalo ang katapatan ng pag-ibig, malaki at mabuti ang ibubunga nito sa buhay ng mag-asawa.” God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom