|
|
EDITORIAL
Magkaroon sana ng kabuluhan
Lumawak na kasi ang kontrobersiya bunsod ng pinaputok na eskandalo ni Joey De Venecia, anak ni House Speaker Jose De Venecia na nagsasabing nagkaroon ng overpricing at suhulan sa kontrata. Maraming pangalan na ang nasabit kung saan kabilang si Comelec Chairman Benjamin Abalos at ang sinasabi ngang mystery man na si First Gentleman Mike Arroyo. Bukod sa nabanggit, nakaladkad na rin ang ilang miyembro ng gabinete na kinabibilangan nina Transportation and Communications Secretary Leandro Mendoza, Trade Peter Favila at Commission on Higher Education (CHED) Chairman Romulo Neri. Naantala ang paglutang sa imbestigasyon ng ilang miyembro ng gabinete matapos umanong pigilan ng Pangulo sa bisa ng Executive Order 464. Pero ngayong mainit ang pagtutol sa hindi pagsipot ng mga gabinete ay tila nakumbinsi ang Pangulo kaya’t binigyan nito ng basbas ang kanyang mga gabinete na sumipot. Nakakatuwang malaman na naging bukas na ang Pangulo sa ganitong pag-uusap. Tama lamang naman na payagan ng Pangulo ang kanyang gabinete sa anumang pagdinig ng Kamara o Senado. Kung makakatulong ba ang mga ito upang maresolba ang anumang problemang kailangang lutasin na nangangailangan ng presensiya o paglilinaw mula sa mga gabinete ay higit na dapat nitong payagan. Kami man ay naniniwalang sa hakbang na ito ng Palasyo ay mapapaniwala nito ang taumbayan na malinis ang kanilang hanay sa kung anumang anomalyang mayroon sa ZTE contract. Pero ang kuwestiyon, may kahahantungan kaya ang pagsipot ng mga gabinete baka naman magpapakita lamang sila pagkatapos ay magsasalita lamang sila ng ‘I invoke my right to privacy’ ang katagang paboritong sambitin ng mga iniimbitahan sa Kamara at Senado? Yaman na rin lang at sumipot sa hearing, maging makabuluhan sana ang kanilang presensiya upang mabigyang-linaw ang lahat ng kontrobersiya kung hindi man ay malinis na ang kanilang hanay at maibalik ang tiwalang unti-unting nawawala sa kanilang hanay. |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|