ANAK NI JDV GINIGIBA NA!

Hayaan si Erap!

FG isasalba ng sakit sa broadband scam

Kamara suko sa bgy. polls

Pag-amyenda sa EPIRA hinarang!


Hulaan Blues

Crime Stories


 

TOP STORIES

Nagsagawa ng kilos-protesta ang grupong ito sa labas ng regional headquarters ng Asian Development Bank (ADB) sa Mandaluyong kahapon na humihiling na ibasura ang "aid for trade scheme" na inialok ng World Trade Organization. Naniniwala ang grupong pabor lamang ang sistemang ito para sa mayayamang bansa. (AFP Photo)

ANAK NI JDV GINIGIBA NA!

(Rey Marfil With Bernard Taguinod)


Matapos ang matapang na paglutang sa Senado upang ibunyag si First Gentleman Mike Arroyo bilang Mystery Man sa $330 milyong national broadband network (NBN) project, kaliwa’t kanang paggiba ang natikman ng anak ni House Speaker Jose De Venecia Jr.

Kasabay ng mga mapanirang text brigade na naglalaman ng mga personal na pag-atake laban sa whistle blower na si Jose "Joey" De Venecia III, pinaiimbestigahan na ni administration Sen. Miriam Defensor-Santiago kung sino ang utak sa paglutang nito sa Senado para magsalita sa umano’y maamonalyang broadband contract.

Kaliwa’t kanang pagdepensa ang ibinigay ni Santiago sa First Couple, kabilang ang alegasyong bahagi ng planong pagpapatalsik kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang paglutang ng batang De Venecia at pinopondohan ng anti-Gloria forces.

"Masyadong malakas na ang ingay na ito. Ang paglikha ng ganyang kalakas na ingay ay nangangailangan ng malaking pondo. Saan nanggagaling ang perang ito?" ani Santiago.

Unang kinuwestyon ni Santiago ang kabiguan ng batang De Venecia na humirit ng rebidding partikular ng kompanya nitong Amsterdam Holdings Inc.

"Kailangan nating imbestigahan ang pagkatao ng nag-aakusa. Gaya ng isang magandang detective story, kailangang malaman ng mga pagdinig ng Senado kung ano ang tunay niyang motibo, at kung sino ang nagpopondo sa kanya, kung meron man," ani Santiago.

Malakas ang duda ni Santiago na maaaring pinopondohan ang batang De Venecia ng anti-Gloria forces at kinakasangkapan ng grupo para pag-awayin sina Speaker De Venecia at Mrs. Arroyo, kalakip ang hangaring mapatalsik ang Pangulo bago pa man sumapit ang 2010 presidential election.

Kaugnay nito, hinamon naman ni Sen. Chiz Escudero si Speaker De Venecia na ‘isuka’ ang lahat ng impormasyong nalalaman sa national broadband network (NBN) project.

"Utang n’ya ‘yon sa publiko siguro at sa anak rin niya na kung may nalalaman siyang totoo sa mga sinasabi niya eh di segundahan niya, i-corroborate niya o kung hindi naman marapat rin na sabihin niya," ani Escudero.

Sa Kamara, naniniwala naman si Nueva Ecija Rep. Edno Joson na kung si dating Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson ang naglaglag kay dating Pangulong Joseph Estrada kaya bumagsak ang kanyang administrasyon, malaki umano ang posibilidad na si Joey de Venecia ang magpapabagsak kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

"History repeat itself," paglalawaran ni Joson. "Dating magkakakampi, ngayon magkakaaway. Ganyan na ganyan ang nangyari kina Erap at Chavit," aniya pa dahil tulad umano ni Singson na kaibigan at kaalyado ni Estrada, mahigpit na kakampi sa pulitika ni Arroyo ang mga De Venecia.

Samantala, direktang pinabulaanan ng ZTE Corporation ng China ang alegasyon ng nakababatang De Venecia na umano’y nanuhol o nag-offer ng komisyon ang kumpanya sa mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas upang makopo ang national broadband network (NBN) project.

"ZTE has completed numerous bigger projects around the world. We have proposed the best price, financing and technical proposal and we are confident of beating all our competitors, so there is absolutely no need to bribe anybody to get the project," ani Howard Xue sa isang email.

Si Xue ang global marketing director at chief information technology consultant ng ZTE, ang pinakamalaking publicly listed telecommunications company ng China.

"For so long, we keep trying to let the public know the facts about NBN and ZTE. We feel frustrated that even when we talked, the truth still cannot reach the public. All our voices were covered by more eye-attracting stories full of misleading information," aniya.

Handa ang ZTE na idepensa ang government-to-government contract sa Korte Suprema, na ang basehan ay ang katotohanan at ebidensya, ayon kay Xue.

"We are confident to face the investigation of the Supreme Court, and (that) the legal contract shall be honored by the Philippine government. We wait for that date that the whole truth will come out to the public," aniya.  

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top