|
|
ENTERTAINMENT
Ruffa, pinaglaruan na naman ni Yilmaz Kinukulit kami ng ‘fans’ ni Yilmaz Bektas kung kailan ba darating ng bansa ang estranged husband ni Ruffa Gutierrez. Noong una kasi ay napabalitang darating na naman siya ng bansa noong Sepyembre 11, birthday ng anak niyang si Venice, pero walang Yilmaz na dumating. Then, napabalitang manonood daw ang Turkish-businessman ng gala fashion ng RRRampa for a Cause noong Linggo, pero walang Yilmaz sighting sa charity event ng magkakapatid na Ruffa, Richard at Raymond Gutierrez. Mismong si Ruffa ay hindi kami masagot kapag inuusisa namin siya kung talaga bang pupunta na naman ng ‘Pinas ang tatay ng kanyang mga anak. Hindi raw niya alam. Mukhang pati si Ruffa ay naguguluhan din kay Yilmaz. Noong Linggo ay ‘pinaglaruan’ na naman siya ng estranged husband. Pagkatapos ng gala fashion show ng RRRampa for a Cause ay tinawagan ni Yilmaz si Ruffa at tinanong ang TV host/actress kung nasaan ito. Ang drama ni Yilmaz, nasa NAIA (Ninoy Aquino International Airport) na siya at kadarating lang. Nang sabihin ni Ruffa kay Yilmaz na nasa Manila Peninsula sila ng kanyang mommy’t daddy (Annabelle Rama at Eddie Gutierrez), nag-dialogue ito na susunod na roon in 15 minutes. After 15 minutes, tumawag na naman si Yilmaz kay Ruffa, nasaang banda raw siya sa Manila Peninsula? "I’m at the lobby!" sagot ni Ruffa kay Yilmaz. "I’m at the frontdesk!" sabi raw ni Yilmaz kay Ruffa, kaya palinga-linga si Ruffa sa may frontdesk. Wala naman doon si Yilmaz. "Ay, naku, pinaglaruan na naman ako. Nakaka-stress!" sey sa amin ni Ruffa. Sey namin kay Ruffa, ang hilig-hilig kasi niyang nagpapaniwala kay Yilmaz kaya nae-stress siya. *** Pagkatapos ng pagiging abala niya sa RRRampa for a Cause, balik-trabaho noong Martes si Richard Gutierrez. Nag-shoot siya para sa Dagaw, ang pelikula ng GMA Films na si Chito Roño ang direktor. Iba na ang hitsura ngayon ni Richard dahil nagpagupit siya nang maikli. Mas bumata ang dating ng kakambal ni Raymond. Bale paghahanda raw ‘yon sa role niya sa Dagaw, pati na rin sa kanyang bagong TV series na Kamandag. Balita namin, natuwa si Direk Carlo J. Caparas nang ipagkatiwala ng GMA 7 kay Richard ang pagbibida sa series na gawa niya. Sabi ni Direk Carlo kay Richard, pati ‘yung series niyang Gagambino ay sa young actor din niya ibibigay. Malaki ang tiwala ni Direk Carlo na mabibigyan ni Richard ng justice ang role ng bidang lalaki sa Kamandag, pati na sa Gagambino. *** Hanggang Enero 2008 ang airing ng sinenobelang Pasan Ko ang Daigdig. Dapat ay 13 weeks lang ang afternoon drama series na ito nina JC de Vera at Yasmien, pero dahil click ang kanilang tambalan ay nagdesisyon kaagad ang GMA 7 management na i-extend ang pagpapalabas ng kanilang bagong sinenobela. Siyempre pa, tuwang-tuwa sina JC at Yasmien. Kahit hindi pa umaamin sina JC at Yasmien tungkol sa napapabalitang relasyon nila, madalas nilang sabihin na masaya sila at magkasama sila sa trabaho. "Magaan na katrabaho si JC. Wala siyang kahit na anong reklamo sa set. Sweet din siya. Maasikaso," pahayag ni Yasmien. *** Gimmick ba para sa balik-tambalan nina Jennylyn Mercado at Mark Herras ang balitang pakikipaghiwalay ng una sa boyfriend na si Patrick Garcia? Kalat na kasi ang balitang sina Jennylyn at Mark ang magbibida sa afternoon drama na My Only Love. Eh, kasabay ng balitang ‘yon ang pagputok ng tsikang hiwalay na ang dalaga at si Patrick. Ayon sa isang malapit kay Jennylyn, hindi totoong nakipag-break na ang young actress kay Patrick. ‘Yung mga tampuhan daw nina Jennylyn at Patrick ay madalas daw na mangyari, pero imposible raw na mauwi ‘yon kaagad sa hiwalayan. Eh, noon daw na nasa San Francisco, CA ang dalawa ay nagkatampuhan din sila at dahil lang ‘yon sa naunang kumain si Patrick kesa sa dalaga, huh! |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|