Mariing nanawagan ang mga kongresista sa mga senador lalo na sa mga itinuturing na “presidentiables” na tutukan na ang mga problema ng bansa sa halip na magbangayan at magsiraan para makalamang sa 2010 elections.
Bagaman iginagalang umano ng mga kongresista ang hiwalay na teritoryo ng Kamara at Senado, sinabi nina Partylist Reps. Mujiv Hataman (Anak Mindanao), Joel Villanueva (Cibac) at Marikina Rep. Marcelino Teodoro na maraming problema ngayon ang bansa na dapat tutukan.
Iginiit ng mga mambabatas na ang pagpapauwi ni Senate President Manny Villar ng 20 inabusong overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Jordan ay dapat maging hudyat upang tigilan na ang bangayan sa Senado tungkol sa C-5 Road.
“Marami ng paliwanag ang lumabas at lumitaw na normal na proseso ang insertion lalo na’t lumabas na halos lahat naman pala ng senador may insertion at mas malaki pa sa inilagay sa C-5 project. Dapat sa budget hearing na lang ‘yun pag-usapan,” ayon kay Hataman.
Habang walang balak ang mga “presidentiables” na sina Sens. Panfilo Lacson, Mar Roxas at Loren Legarda na idiin si Villar sa C-5 road issue, abala naman ang mga kongresista sa paghimay sa P1.41 trillion budget ng pamahalaan sa 2009.
Pinuri ni Villanueva si Villar dahil hindi umano ito nagpaapekto sa mga akusasyon ng mga kapwa senador na pinapaniwalaang makakatunggali niya sa 2010 presidential elections.
Idinagdag ni Villanueva na mas maraming katiwalian sa pamahalaan na dapat tutukan ng mga senador. Bukod pa rito ang isyu ng financial crisis sa mundo at peligro sa kalusugan ng mga gatas na kontaminado na galing sa China.
Idinagdag naman ni Teodoro na nakakaabala na sa trabaho ng Senado ang pulitika sa C-5 road extension na dapat ipaubaya na lamang sa kinauukulang korte ang pagsisiyasat para hindi malihis.
|