|
|
EDITORIAL
May mangyayari kaya?
Sa tinagal-tagal ng paliwanagan at batuhan ng akusasyon ng mga sangkot sa kuwestiyonableng transaksyon, walang naging malinaw na konklusyon kung sino ang nagsasabi ng totoo. Kanya-kanyang hugas-kamay at pagtanggi sa akusasyon ang nangyari. Isa lamang ang nagkaroon ng linaw, ang kakaharaping impeachment ni Abalos dahil sa pagkakasabit sa maanomalyang transaksyon sa broadband deal sa pagitan ng ZTE Corporation ng China. Pero ang kuwestyon ngayon, may mangyayari kaya sa humahabang imbestigasyong ito? May makakasuhan kayang mga opisyal ng gobyerno na mapapatunayang sangkot sa sinasabing pagluto at pag-o-over-price sa kontrata? Sana nga ay magkaroon ng positibong resulta para sa bayan. Dahil nakapanghihinayang ang effort ng mga lumutang na indibiduwal upang ibahagi ang nalalaman sa kontrobersiya at ang Senado na gumugol ng kanilang oras at panahon upang himayin ang kabuuan ng kuwestiyonableng kontrata. Sana sa katapusan ng imbestigasyon ay lumutang ang katotohanan na nais malaman ng sambayanang Filipino at sana ay makalaboso ang sinumang opisyal ng pamahalaan na mapapatunayang gumagamit ng kapangyarihan kapalit ng malaking halaga. |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|