KULANG SA TAPANG SI NERI

Pagrenda sa Garci pinalagan

Senado sinugod

Abalos yayariin sa impeachment

Erap di yuyuko sa Malacañang


Hulaan Blues

Crime Stories


 

TOP STORIES

Protesta --- Nagprotesta sa harap ng embahada ng Myanmar sa lungsod ng Makati ang mga miyembro ng Philippines Free Burma Coalition. Hinihiling ng mga demonstrador na hikayatin ang gobyerno ng Myanmar na ‘wag pigilin ang panawagan ng mga Burmese para sa kalayaan at demokrasya. Libu-libong Buddhist monks at mga tao mula sa iba’t ibang sektor ang patuloy na nagsasagawa ng protesta sa mga kalye sa Myanmar. (AFP Photo/Luis Liwanag)

KULANG SA TAPANG SI NERI

(Rey Marfil)


Bagama’t pinanindigan ang naunang pahayag hinggil sa tangkang panunuhol sa kanya ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Benjamin Abalos, hindi kuntento ang mga senador sa kabuuan ng testimonya ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman at dating National Economic Development Authority (NEDA) chief Romulo Neri.

Kahapon, inamin ni Neri na tinangka siyang suhulan ni Abalos para paboran ang ZTE sa broadband project subalit maliban dito ay tumanggi na itong ibulgar pa ang iba nitong nalalaman sa naturang transaksyon partikular sa mga katanungang posibleng magdawit kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Kung anong paglalaglag kay Abalos, matinding proteksyon ang ibinigay ni Neri kay Mrs. Arroyo at tulad ng inaasahan, kinasangkapan nito ang executive privilege para maiwasan ang pagtatanong ng mga senador tungkol sa naging usapan sa pagitan nila ni Pangulo tungkol sa national broadband deal, maliban sa pagkumpirmang ipinagbigay-alam sa kanyang amo ang tangkang panunuhol ni Abalos.

Sa pagtatanong ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson, kinumpirma ni Neri na kanyang ipinagbigay-alam kay Mrs. Arroyo ang tangkang panunuhol ni Abalos subalit tumanggi itong magbigay ng anumang detalye.

Tanging inamin ni Neri sa kanilang pag-uusap ni Mrs. Arroyo, sa pamamagitan ng pagtawag sa cellular phone, ang direktiba ng Pangulo sa kanya na tanggihan ang alok na ‘200’ ni Abalos.

Makailang-beses din kinasangkapan ni Neri ang executive privilege sa pagtatanong ni Senate majority floor leader Francis Pangilinan, kalakip ang depensang ‘confidential at classified information’ sa pagitan ng isang gabinete at Pangulo ang mga impormasyong ito.

"I invoke executive privilege because it involves a conversation between me and the President," ani Neri.

Nang kunan ng reaksyon sa naging takbo ng testimonya ni Neri, nagkakatugma ang opinyon nina Sens. Pangilinan, Jinggoy Estrada at Francis Escudero at lahat sila’y hindi kuntento sa pahayag ng dating NEDA chief.

"Sa isyu nang humarap siya, masasabi natin nagpakalalaki siya. Pero pagdating kay GMA, may agam-agam. Kulang at may hinahanap kami sa tapang niya," pahayag ni Pangilinan.

"Maraming nabunyag, bribery, foreign trip, pero tingin ko marami pang dapat sasabihin (si Neri). May pumipigil sa kanya. Sayang," reaksyon naman ni Estrada.

"Sa tingin ko marami pang sasabihin (Neri). May gusto siyang sabihin na hindi niya masabi. Naaawa naman kami dahil nanginginig kasi may lagnat. Pinauwi na namin, pero di ibig sabihin na OK na kami sa kanya at kumbinsido kami sa paliwanag niya. Parang naninimbang," pahayag ni Escudero.

"Marami pang sasabihin si Neri. Halatang may kinatatakutan. ‘Di ko alam kung sino malinaw sa hearing may pinagtatakpan siya. Ang sinasabi lang niya ay ang tungkol sa kanya. Pagdating sa usapan nila ng presidente ayaw niya. Dapat siyang kasuhan kasi alam niya ang bribery pero may pinagtatakpan," pahayag naman ni Iloilo Vice Governor Rolex Suplico na isa rin sa mga naging resource person sa naturang hearing.

Neri pinigilang kumanta

Samantala, sa isinagawang executive session matapos ang ilang oras na hearing ng Senado, wala ring napiga kay Neri ang mga senador kaya pinauwi na lamang ang opisyal dahil nanginginig na umano ito dahil sa lagnat.

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top