|
|
PUBLIC
SERVICE
BIR off’l. nanggulpi ng taxpayer Sari-saring kapalpakan ang namamayani ngayon sa ating bansa. Syempre ang pinakabida dito ay may kinalaman sa alpabetong ab zte fg. Pero mas madami pang kalokohan ang nagaganap sa ibat-ibang bahagdan ng burukrasya. Dito lang sa Kawanihan ng Rentas Internas o BIR ay nanggulpi ang ikalawang pinakamataas na opisyal nito na si OIC deputy commissioner Nelson M. Aspe ng isang taxpayer sa mismong BIR national office lobby nuong nakaraang Linggo. Walang nagawa ang nahintakutang taxpayer kungdi tumakbo at magtago sa opisina ng resident ombudsman sa BIR. Ang naturang taxpayer ay si Edgar Martinez na kabiyak ng cpa/lawyer director Ace Martinez ng BIR Tacloban na kamag-anak din ni Cong. Suarez. Hehehe...malaki-laki ang problema ng maton na si Nelson dito. Si Director Ace Martinez ay kilala sa BIR na matapang at tinaguriang stalwart ng mga taong ipinaglalaban kung ano ang tama kaya siguradong may tama din itong si Aspe kay Director. Malamang ay magsampa na ng kaso ang magkabiyak sa Civil Service Commission (CSC) at sa Ombudsman. Ang mga ganitong kaso ay maaaring maging dahilan ng suspensyon o dismissal. Ang mga ganitong pangyayari ay nagpapakita o sumasalamin lamang sa sobrang pagka-arogante ng kasalukuyang liderato ng BIR. Akala siguro nila ay palagi lang sila sa kanilang posisyon dahil sa ipinagmamalaki nilang mga kapit sa DOF at Malacañang. Huwag sana nilang kalimutan na alam ng madla na kaya maganda ang koleksyon ng kasalukuyang BIR ay dahil sa mga tax advances o advance na koleksyon pero kapag susumahin na talaga ay palpak pala ang koleksyon. Tignan mo ang mga bata mo Sec. Teves at masyadong lumaki ang mga ulo kahit wala namang mga laman. Itong mga mala-prinsipeng OIC sa BIR ay wala daw sambit kundi ang pagiging sanggang dikit nila kay kalihim Teves kaya naman ata napasobra ang kayabangan. Itong si Aspe nga pala ang pasimuno sa pagtataas ng common carriers tax o buwis ng mga jeep, bus, taxi, tricycle etc., ng 2006 percent. Siya rin ang naghabol sa mga maliliit na negosyante ng mga tianggehan. Maliliit na tao ang kanyang hinahabol dahil mayroon ata itong ugali na mag-domina ng mga maliliit na tao. Hinihiling natin ang agad na pagkilos ng Ombudsman laban sa kalapastanganan ng opisyal na ito lalo na at ordinaryong tao ang kanyang sinaktan. *** Kawawa naman ang mga sundalo ng ating bansa. Kung hindi ipapabaril sa Mindanao ay babarilin na lamang ng mga pulitiko. Dito lang sa Bocaue Bulacan, kung saan ay nabaril at napatay ang ilang kagawad ng AFP ay hindi makamit ng kanilang pamilya ang tunay na hustisya. Bagama’t inamin na mismo ng nanalong meyor na si Jonjon Villanueva sa telebisyon at sa mga pahayagan na sila ang nakabaril at nakapatay sa mga sundalo dahil binabaklas daw ang kanilang mga election posters ay hindi pa rin nakakasuhan ang nasa likod ng krimen. Malaking tao at maimpluwensya kasi ang nakabangga nila kaya naman kawawa sila. Kumuha pa ng isang mamahaling law firm na pag-aari ng isang Senador ang mga sangkot sa kaso at ngayon ay minamanipula na ang usapin sa korte. Kaya naman hindi natin masabi na ang mga sundalo natin ay hindi magrerebelde o mag-aaklas dahil isinusugal na nga nila ang kanilang buhay para sa bansa ay mailap pa ang katarungan para sa kanila. Bukod pala sa battleground sa Mindanao ay mababaril din pala sila ng mga palalong pulitiko. Tututukan natin ang dalawang isyu na ito. Abangan! |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|